ECQ ipinatupad sa Tuguegarao City
Sa ‘di mapigilang paglobo ng COVID-19 cases
TUGUEGARAO CITY, Philippines — Dahil sa lumalalang pagtaas ng kaso ng hawaan ng COVID-19, inindorso ni Cagayan Governor Manuel Mamba ang pagsasailalim ng lungsod na ito sa pinaka-istriktong quarantine protocol.
Magsisimula ngayong araw (Miyerkules) ang 10-araw na Enhanced Community Quarantine (ECQ) na hiniling ipatupad ni Mayor Jefferson Soriano na kinatigan naman ng Regional Inter-Agency Task Force on the Management of Emerging Diseases kahapon.
Sa kanyang unang apela kay Mamba, sinabi ni Soriano na maaaring palawigin pa ng RIATF ang ECQ kung hindi pa masasawata ang sitwasyon ng pagkalat ng virus sa lungsod sa loob ng 10 araw.
Tinuran ng mayor na umabot na sa bilang na 236 ang active COVID-19 cases sa kanyang teritoryo sa loob lamang ng pitong araw at 30 sa 49 barangay ng Tuguegarao o 61% ang apektado. Hindi rin bababa aniya sa 20 ang naitatalang bagong kaso sa loob ng isang araw sa lungsod.
Magugunita na idineklara ni Mamba sa ikatlong pagkakataon ang Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) na ipapatupad sana ng isang buwan sa Tuguegarao noong Disyembre 4 matapos umabot sa 100 ang aktibong kaso ng COVID-19 doon pero tinanggihan ng alkalde at sa halip ay ipinatupad ang zonal lockdown para sa apektadong lugar.
- Latest