PAF aircrafts grounded, 7 patay sa chopper crash
MANILA, Philippines — Ipinagbawal munang lumipad ang lahat ng sasakyang panghimpapawid ng Philippine Air Force (PAF) matapos ang pagbagsak ng isa nilang helicopter na ikinasawi ng pitong sakay nito na maghahatid lang ng supply para sa mga kapwa sundalo sa Sitio Nahigit, Brgy. Bulonay, Impasug-Ong, Bukidnon kamakalawa.
Ayon kay Philippine Air Force (PAF) Spokesperson Lt. Col. Aristides Galang, SOP (standard operating procedure) na grounded ang lahat ng aircraft ng PAF dahil isasailalim sa inspeksyon matapos ang pagbagsak ng UH-1H helicopter sa Bukidnon.
Sinabi ni Galang na nagpadala na sila ng mga imbestigador sa lugar upang malaman ang sanhi ng chopper crash.
Sa kabila nito, iginiit ni Galang na “well maintained” ang bumagsak nilang helicopter at lahat ng kanilang aircraft ay dumaraan sa masusing inspection bago ito lumipad.
Kinilala ng PAF ang mga nasawi sa insidente na sina Lt Col. Arnie Arroyo, taga Zamboanga City, piloto ng UH-1H helicopter; co pilot na 2nd Lt. Mark Anthony Caabay, at mga crew na sina Sgt. Stephen Aggarado, Sgt. Mervin Bersabe, Army Sgt. Julius Salvador at CAA Jerry Ayukdo, habang inaalam ang pagkakakilanlan ng isa pang biktima.
Base sa ulat, nagsasagawa ng resupply mission ang mga nasawi para sa 403rd Infantry Brigade ng Philippine Army sa Malaybalay, Bukidnon nang pumalya umano ang makina ng helicopter dahilan upang bumulusok ito at bumagsak sa lupa dakong alas-2:20 ng hapon.
- Latest