Mag-utol na senior tiklo sa P.7 milyong shabu
LUCENA CITY , Philippines — Magkasama hanggang sa kulungan ang magkapatid na babaeng kapwa senior citizen makaraang makumpiskahan ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng mahigit sa P.7 milyon sa isinagawang buy-bust ng mga operatiba ng Lucena City Police-Drug Enforcement Unit (DEU) sa Purok Santol 2, Barangay Mayao Crossing, dito kahapon ng umaga.
Kinilala ni P/Lt. Col. Romulo Albacea, chief of police dito ang mga nadakip na sina Gloria, 61 at Zenaida de Chavez, 60, kapwa ng nasabing lugar.
Ayon kay Albacea, si Gloria ang itinuturo ng ilang mga nahuhuling adik sa kanilang barangay na source ng ginagamit nilang shabu.
Nagsagawa ng surveillance ang mga operatiba ng LCDEU at nang magpositibo ang impormasyon ay isinagawa ang buy-bust operation dakong alas 10:10 ng umaga.Nakumpiska buhat sa pag-iingat ni Gloria ang mga hinihinalang shabu na nakalagay sa mga plastic sachet na tumitimbang ng 26.3 grams at may street value na nagkakahalaga ng P775,200.00.
Sinabi ni Gloria na ang mga shabu na nakuha sa kanya ay naiwanan ng kanyang anak na si Mark de Chavez Acabado, 38, na nalambat din ng mga pulis kasama ang live-in partner nitong si Rossel noong Enero 6, 2021 sa kanilang inuupahang bahay sa Purok Santol 1 ng nasabing barangay.
Itinanggi naman ni Zenaida na nagtutulak siya ng ilegal na droga. Gayunman, inamin nito na gumagamit siya ng shabu at idinahilang nagsisilbi itong gamot sa kanyang sakit.
- Latest