Killer cop naghain ng ‘not guilty plea’
Sa kasong ‘double murder’ sa mag-ina sa Tarlac
MANILA, Philippines — “Not guilty”.
Ito ang inihain sa korte ni Police Master Sgt. Jonel Nuezca sa ginanap na video call hearing hinggil sa pagbaril at pagpatay nito sa mag-inang Sonya at Frank Anthony Gregorio noong Disyembre sa Paniqui, Tarlac.
Ayon kay Atty. Freddie Villamor, nasa Branch 67 sila ng Paniqui Regional Trial Court kasama ang ibang miyembro ng pamilya Gregorio para sa unang pagding sa kasong double murder.
Sa pamamagitan ng video call hearing, binasahan ng 2 counts of murder si Nuezca subalit laking gulat ng pamilya Gregorio nang maghain ang pulis ng “not guilty plea”. Hindi dumalo ng personal si Nuezca dahil naka-quarantine pa rin ito.
Ikinagalit ng todo ng pamilya Gregorio ang not guilty plea ni Nuezca kasabay ng pangamba na makakalabas ang pulis sa kulungan lalo pa at sinabi ni PNP chief Debold Sinas na hindi umano magiging malakas na ebidensya ang nag-trending na video ng pagbaril nito sa mag-ina.
Pero giit ng pamilya Gregorio, maraming witness ang handang tumestigo laban kay Nuezca at maging ang mga menor-de-edad na kumuha ng video habang may nangyaring krimen.
Matatandaang ka-lagitnaan ng Disyembre nang pagkaguluhan sa social media ang video ng pagbaril at pagpatay ni Nuezca sa mag-inang Sonya at Frank ng dahil lamang sa pagpapaputok ng huli ng boga na ikinagalit ng una.
Inaasahang lalabas naman ngayon ang resolusyon ng kasong administratibo laban kay Nuezca na inim-bestigahan ng PNP-Internal Affairs Office.
- Latest