Vice governor ng Davao del Sur sinuspinde ng 90-araw
Sa maanomalyang pork barrel
MANILA, Philippines — Pinatawan ng 90-araw na suspensyon ng Sandiganbayan ang bise gobernandor ng Davao del Sur dahil sa kasong graft and corruption, at malversation na isinampa laban dito kaugnay ng maanomalyang pork barrel.
Si Vice Gov. Marc Douglas Cagas IV ay kinasuhan sa kuwestiyonableng paglilipat ng P7.55 milyon sa Priority Development Assistance Fund (PDAF) sa mga entities na pag-aari ng umano’y pork barrel scam mastermind na si Janet Napoles.
Base sa 10-pahinang resolusyon ng Sandiganbayan nitong Disyembre 3, sinabi na ang 90 araw na suspension kay Cagas ay alinsunod sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act na nagpapataw ng kaparusahan sa mga opisyal na nanunungkulan sa gobyerno sa anumang kriminal na prosekusyon sa ilalim ng Title 7, Book II ng Revised Penal Code na may kinalaman sa katiwalian sa paggamit ng pondo.
Magugunita na sumingaw ang P10 bilyong pork barrel scam noong 2013 na umano’y ang utak ay ang negosyanteng si Napoles na sangkot sa paglilipat ng PDAF sa mga mambabatas at maging sa mga Senador sa mga peke at kuwestiyonableng non government organizations.
- Latest