Generator bumuga ng nakalalasong usok: 3 patay!
10 pang magkakaanak naospital
LEGAZPI CITY, Albay, Philippines — Dahil sa malawakang brownout at pagbaha dulot ng bagyong Ulysses, tatlong miyembro ng pamilya ang patay kabilang ang dalawang lola habang 10 pa ang naospital matapos silang makalanghap ng nakalalasong usok na ibinuga ng ginamit nilang generator para lang magkailaw sa kanilang bahay na ginawang “evacuation site” sa magkahiwalay na insidente sa relocation site ng Purok-6, Brgy.Tambo, Ligao City at sa bayan ng Tiwi, dito sa lalawigan, ayon sa pulisya kahapon.
Sa report, kinilala ang unang nasawing lola na si Rosario si Rosario Ces Buenabente, 80-anyos, residente ng Brgy. Cabunturan, Malinao. Siya ay idineklarang dead-on-arrival sa Josefina Belmonte Duran Memorial District Hospital dahil sa pagkalason ng “carbon monoxide” na nalanghap mula sa ibinugang usok ng isang generator set.
Patuloy namang inoobserbahan sa ospital ang walo pang kaanak na sina Jonathan Manga, 40, ng Relocation Site, Brgy. Tambo; Randy Monteo, 21; Jesus Buenabente ng Brgy. Cabunturan, Malinao at lima pang menor-de-edad na nasa 14-16 anyos ng nasabi ring lugar.
Sa ulat, dakong alas-2 ng hapon habang nasa loob ng bahay ang mga biktima na kanilang pansamantalang tinutuluyan makaraan ang paghagupit ng bagyong Ulysses at dahil brownout ay gumamit sila ng generator.
Gayunman, habang umaandar ang naturang power equipment ay isinara naman ng mga biktima ang pintuan at mga bintana pero ilang sandali lang ay bigla na silang nahilo at sumakit ang mga ulo habang nawalan ng malay ang matandang si Rosario dahil sa usok ng generator.
Agad namang rumesponde ang ibang residente at humingi ng tulong sa rescue team ng Ligao City at mabilis na naisugod ang mga biktima sa pagamutan pero idineklarang patay si Rosario.
Samantala sa Brgy. Dapdap, Tiwi, kapwa nasawi ang dating pulis na si Digna Raneses Cas, 60-anyos at kamag-anak na si Diona Cabaltera Cas, 39-anyos dahil din sa hinihinalang nakalalasong usok na ibinuga ng generator na kanilang ginamit sa kanilang bahay habang inoobserbahan sa ospital ang dalawa pa nilang kaanak matapos na mahilo at magsusuka na sina Eugene Cas Camantigue, 55 at Neri Camantigue, 53.
Lumalabas na dakong alas-12 ng tanghali nang gumamit ang mga biktima ng generator sa loob mismo ng kanilang bahay sa kasagsagan ng pagbaha at walang kuryente.
Gayunman, ilang sandali ay sumakit din ang kanilang ulo, nahilo at nagsusuka. Nakalabas naman ng bahay si Neri at nakahingi ng saklolo sa mga kapitbahay pero pareho nang patay nang madatnan sina Digna at Diona. Nauna rito, naglabas ang Department of Health (DOH) ng babala sa publiko na ang paggamit ng portable generator ay nakamamatay dahil sa ibinubuga nitong carbon monoxide.
Iginiit ni DOH-Calabarzon Regional Director Eduardo Janairo na ang paggamit ng generator sa loob ng tahanan ay puwedeng maging sanhi ng “carbon monoxide poisoning” na maaaring ikamatay agad ng makalalanghap nito sa loob lamang ng ilang minuto.
Payo ni Janairo, kailangang nasa hanggang 20 talampakan ang layo ng generator mula sa bahay, bintana at pintuan upang hindi makapasok ang usok na maaaring malanghap ng sinuman sa pamilya.
- Latest