Driver ng nakasagupa at napatay na HPG sa Cavite, sumuko
CAVITE, Philippines — Emosyonal at tila may takot nang personal na sumuko sa pulisya ang driver ng Nissan Metallic Gray na sasakyan na nakasagupa ng grupo ng HPG kung saan ikinamatay ng isang miyembro nito at ng isang suspek noong Nobyembre 6 sa Manila-Cavite Road Barangay 8, Pulo 3, Cavite City.
Ang sumukong driver ay nakilalang si Reymundo de Leon Zuñiga, 34, tubong Brgy. Salomangue, Bugallon, Pangasinan.
Sa pahayag nito sa pulisya,bago naganap ang barilan noong Biyernes ng tanghali sa pagitan ng kanyang among si Methusael Cebrian at mga miyembro ng Cavite Highway Patrol Team ay galing sila sa loob ng Sangley Point at palabas sila ng Cavite City para bumili ng cake, dahil birthday ng panganay na anak ni Cebrian.
Paglagpas sa checkpoint ng Cavite City, nag overtake umano sila sa nakasabayang mobile ng Cavite HPT dahil napansin na walang plate number at conduction sticker ang sasakyan, kung kaya agad silang pinahinto ng mga ito.
Sa pakikipag-usap ng HPG, hinanapan na sila ng mga kaukulang dokumento ng sasakyan ang suspek umanong si Cebrian ang nakikipagsagutan sa grupo.
Ayon pa rito, ibibigay na umano sana niya ang kaniyang drivers license sa kapulisan, subalit pinigilan siya ni Cebrian, at inutusan pang isara ang mga bintana ng sasakyan.
Nakaramdam na umano siya ng nerbyos ng isuot nito ang tactical belt, saka kinuha ang baril at ikinasa, bago nagsuot ng bonnet, bigla umano itong bumaba ng sasakyan at kasunod ay walang tigil na putok ng baril at dahil sa takot ay pinasibad na ang minamanehong Nissan Terra na kung saan napatay si PCMS Julius Robiego Arcalas, HPG at ang suspek na si Methusael Brown Cebrian.
Gulong gulo umano ang isip niya at hindi na rin umano niya alam kung paano siya nakarating sa isang subdibisyon sa bayan ng Noveleta, Cavite, kung saan dito umano niya iniwan ang sasakyan at mabilis na umuwi sa bahay ng kanyang amo sa loob ng Sangley Point.
Nang araw mismong iyon ay nagdesisyon na siyang sumuko para linisin ang kanyang pangalan kaya’t kinahapunan ay nagtungo na siya sa ISAFP (Intelligence Service, Armed Forces of the Phils) kung saan agad na dinala sa Camp Crame.
Ayon pa rito, hindi umano ang lalaking Cebrian na napatay sa engkuwentro ang kaniyang tunay na amo kundi ang misis nito na Navy Lt Senior Grade Janice Cebrian.
Umaasa si Zuñiga na sa paglutang niya ay mabigyang linaw ang pangyayari, malinis ang kanyang pangalan at makabalik sa normal niyang buhay. - Doris Franche
- Latest