Flash floods rumagasa sa Cagayan
TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines — Lumubog sa tubig-baha ang mga barangay sa hilagang Cagayan kasunod ng rumaragasang flash floods sanhi ng walang puknat na pag-ulan dulot ng Habagat kahapon.
Sinabi ni Cagayan Gov. Manuel Mamba na 14 na barangay sa bayan ng Claveria ang nauna nang binaha habang dalawang kalapit na bayan pa ang nanganganib sagasaan ng rumaragasang tubig lalo na’t may panibagong bagyong “Quinta” ang tatama sa bansa.
Ayon kay Mamba nagkaroon din ng pagguho ng lupa sa Claveria at mga kalapit bayan ng Pamplona at Sanchez Mira maging sa dalawang bulubunduking barangay na malapit na sa hangganan ng Ilocos Norte. Dalawang tulay din aniya ang pansamantalang hindi madaanan sa highway ng Claveria-Sta. Praxedes dahil sa baha at landslides. Ayon naman kay Edwin Viernes ng National Irrigation Administration Flood Management sa Ramon, Isabela, walang kinalaman ang kanilang pagpapakawala ng tubig sa Magat Dam sa naganap na pagbaha sa kanluran ng Cagayan dahil hindi naman ito dinaraanan ng pinalabas na tubig noong Oktubre 21.
Samantala, pansamantalang isinailalim sa power shutdown ng Cagayan Electric Cooperative II ang kanilang linya sa may Claveria-Sanchez Mira- Sta. Praxedes kasama ang ilang bahagi sa lalawigan ng Apayao bilang pag-iingat sa anumang sakuna dulot ng pagtaas ng tubig-baha.
- Latest