Quezon province binaha ni ‘Pepito’
LUCENA CITY, Philippines — Binaha ang mga pangunahing lansangan at barangay sa ilang bayan sa ika-apat na distrito ng lalawigan ng Quezon bunsod ng walang tigil na pagbuhos ng ulan na dala ng bagyong “Pepito” kahapon.
Ang Maharlika highway sa Lopez, Quezon na pinalubog na rin ng tubig-baha noong nakalipas na dalawang linggo dahil sa low pressure area (LPA) ay muling nakaranas ng pagtaas ng tubig.
Bunsod nito, gumamit na ng bangka ang mga residente sa ilang barangay kabilang ang Brgy. Poblacion sa Lopez na hanggang dibdib ang tubig-baha upang lumikas patungo sa ligtas na lugar.
Binaha rin ang mga kalye sa mga bayan ng Tagkawayan, Calauag, Gumaca at Guinayangan na nagresulta upang mahirapan ang mga motorista sa pagbibyahe.
Sa ikatlong distrito ng lalawigan ay iniulat sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) na nagkaroon ng malawakang pagbaha sa Buenavista, Quezon dahil sa pag-apaw ng mga ilog.
Bumigay naman ang pader ng isang paaralan sa Brgy. Siain, sa nasabing bayan kung kayat nagtulung-tulong ang mga residente na ilikas ang mga computer na ginagamit ng mga guro sa virtual learning. Nagkaroon din ng landslide sa Padre Burgos at Guinayangan dahil din sa malakas na ulan sanhi upang magsilikas ang mga residente sa gilid ng Iyam at Dumacaa River na nananatili ngayon sa mga evacuation centers sa Lucena City dahil sa pagtaas ng antas ng tubig.
- Latest