Ilocos Norte tatanggap na ng turista
TUGUEGARAO CITY, Cagayan , Philippines — Tatanggap na ang Ilocos Norte ng mga turista mula sa iba’t ibang panig ng Luzon kabilang ang Metro Manila sa pagpapairal ng Expanded Ridge and Reef Travel Corridor program simula kahapon.
Sa ipinalabas na Executive Order ni Governor Mathew Manotoc noong Oktubre 13, bukod sa NCR ay binubuksan ng Ilocos Norte ang pintuan ng kanilang turismo sa mga taga-Cordillera Administrative Region,Cagayan Valley, Central Luzon, CALABARZON at Bicol Region.
Una nang binuksan ng Ilocos Norte ang kanyang teritoryo sa mga bisitang nagmula sa mga kapwa probinsiya nito sa Region 1 at Baguio City matapos mabuo ang nilagdaan nilang memorandum of agreement kasama ang Department of Tourism at iba pang government line agencies noong Setyembre 1.
Sa pinalawak na programa; 50 slots muna ang maaaring tanggapin ng Ilocos Norte sa isang araw.
Ang mga napiling bisita ay kinakailangan na makipag-ugnayan lamang sa mga akomodasyon at serbisyong accredited sa DOT.
Nakasaad din sa guidelines ng kautusan na kinakailangang maipakita ng papasok na bisita ang negatibong resulta ng RT-PCR nito na kinuha sa loob ng 72 oras at kailangan sumailalim sa Rapid Antigen Test pagsapit sa border ng Ilocos Norte.
Ipinagbabawal naman sa pagpasok ang mga buntis, mga mayroong karamdaman o comorbidities at mga batang abnormal ang kalusugan at congenital heart disease.
- Latest