Tinedyer na nakipagkalas sa nobyo, pinatay
TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines — Posibleng hindi matanggap ng isang 20-anyos na binata ang pakikipagkalas ng nobya kung kaya’t nagawa niyang patayin sa pamamagitan nang paghampas sa mukha ng malaking bato naganap kamakalawa ng umaga sa Brgy. San Pedro, Sta. Lucia, Ilocos Sur.
Ang biktima na natagpuang patay sa isang sapa, dakong alas-7:00 ng umaga ay nakilalang si Juliana Faith Aleluia,17.
Ang suspek na inaresto ng mga pulis sa kanilang bahay ay kinilalang si Nico Valdez, 20.
Batay sa ulat, bago naganap ang krimen ay nagtungo ang suspek at biktima malapit sa isang irrigation canal para pag-usapan ang kanilang relasyon.
Dito ay nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang dalawa dahil sa hindi pumayag ang suspek sa pakikipagkalas ng biktima na nauwi sa mainitang pagtatalo hanggang sa kumuha ng malaking bato ang una at hinambalos ang mukha ng huli hanggang sa ito ay masawi.
Ilang minuto ang nakalipas ay napadaan ang isang magsasaka upang pakainin ang kanyang kalabaw nang makita ang bangkay ng biktima kaya’t agad niya itong inireport sa pulisya.
Sa pagresponde ng pulisya ay nakita ang kuwintas na suot ng biktima at sa pag-iimbestiga ay nalaman ang pangalan ng nobyo na kung saan ay sinuri ang social media account nito at nakita ang larawan nito na may suot na kuwintas na kapareho sa biktima.
Agad na tinungo ng mga pulis ang bahay ng suspek na inamin agad ang ginawang krimen sa dating nobya.
- Latest