Hepe, 5 pang pulis sibak sa marahas na pag-aresto
Ginang sinabunutan saka kinaladkad
MANILA, Philippines — Matapos na mag-viral sa social media, sinibak sa puwesto ni Police Regional Office 4A Regional Director P/Brig. Gen. Vicente Danao Jr. ang hepe at lima pang miyembro ng Ka wit Municipal Station-Drug Enforcement Unit (DEU) dahil sa umano’y ilegal na paghuli sa isang babae noong nakaraang linggo sa Brgy. Tabon 2, Kawit, Cavite.
Ayon kay Danao, inaresto ng grupo ni P/Major Gabriel Unay ang isang ginang noong Setyembre 25 subalit nakunan sa CCTV ng isang Apple Grace ang ginawang marahas na operasyon. Nakita sa CCTV ang pagpasok ng grupo ni Unay sa bahay ng ginang na si Dana Jamon na tinadyakan, sinabunutan at sapilitang kinaladkad sa harap ng kanyang mga anak.
Ang mga tauhan ni Unay ay nakilalang sina Staff Sgt. Jayson Rapiz, SSgt Jessthony Pagaran, SSgt. Jaymil Payuran, PCpl Gerry Cambarihan at Cpl. Joey Pedimonte.
Sinabi ni Danao na hindi katanggap-tanggap ang ikinilos at paghuli ng mga pulis sa umano’y isang sinasabing “suspek”.
Bunsod nito, sinibak si Unay dahil sa command responsibility at ang lima niyang tauhan ay isinalalim sa preventive suspension para hindi makaimpluwensya sa isinasagawang imbestigasyon.
- Latest