92 health workers sa CRMC isinailalim sa quarantine
NORTH COTABATO, Philippines — Isinailalim sa 14-days quarantine ang may 92 na health workers ng Cotabato Regional and Medical Center (CRMC) matapos silang ma-expose sa isang 3-taong gulang na batang nagpositibo sa COVID-19.
Ang batang lalaki ay taga Malabang, Lanao del Sur at binawian ng buhay, isang araw matapos na siya ay dalhin sa CRMC mula sa Malabang noong nakaraang Biyernes.
Dahil dito, sinabi ni CRMC chief Dr. Helen Yambao na mananatiling hindi muna tatanggap ng bagong pasyente ang mga pangunahing sangay ng pagamutan tulad ng Intensive Care Unit, pedia, surgical at medical wards, pati na ang outpatient department dahil ito ay isinailalim na sa decontamination. Aniya, emergency at life threatening cases lang ang maaaring tanggapin ng ospital.
Isinailalim na ang 20 sa 92 medical workers sa swabbing para sa reverse transcription polymerase chain reaction (RT-PCR) test. Ilan sa kanila ay naka-isolate na sa Cotabato City Ligtas COVID-19 facility habang ang iba ay nananatili sa CRMC.
Paliwanag ni Dr. Yambao, kailangang i-isolate sa Cotabato City LGU facility ang ilang health workers dahil puno na ang CRMC isolation facilities dahil merong 12 confirmed COVID patients ang ngayon ay ginagamot doon. May 11 pang suspect patients ang under observation.
- Latest