Chinese na dinukot nasagip sa Pampanga
MANILA, Philippines — Nasagip ng mga elemento ng Philippine National Police Anti-Kidnapping Group (PNP AKG) ang isang Chinese national sa isinagawang operasyon sa Clark, Pampanga kamakalawa ng gabi.
Ayon kay B/Gen Jonnel Estomo Director ng PNP-AKG, ang biktima na si Xie Zhiqiang ay nailigtas sa rescue operation dakong alas-10:20 ng gabi ng mga elemento ng PNP-AKG Luzon Field Unit at Criminal investigation and Detection Group-Angeles City sa D’Heights Resort and Casino, Villa CA-6, Sun Valley, Clark Free Port Zone, Clark, Pampanga.
Nabatid na humingi ng tulong ang live-in partner ng biktima na si Einna Alyssa Estrella sa pulisya matapos na humingi ng P140,000 ransom ang mga kidnappers para sa kalayaan ng biktima.
Batay sa rekord, Hulyo 13 nang kunin ng mga hindi kilalang kapwa Chinese ang biktima na natanggap bilang POGO worker at dinala sa hindi batid na lugar sa Pampanga para magtrabaho.
Nang araw ding iyon ay nakatanggap ng mensahe si Estrella mula sa biktima at sinabing sapilitan umano siyang pinagtrabaho sa illegal online gambling at ikinulong. Humihingi umano ng pera ang mga kapwa Chinese para sa kanyang kalayaan at sakaling mabigong magbayad ay ibebenta siya sa ibang kumpanya.
Nang makumpirma ng pulisya ang kinaroonan ng biktima, agad na nagsagawa ng rescue operation at ligtas na nabawi ang biktima pero wala nang naabutang suspek sa lugar.
- Latest