4 na sundalo patay nang barilin ng PNP sa Sulu; AFP tumangging may engkwentro
MANILA, Philippines — Itinanggi ng Armed Forces of the Phlippines (AFP), Martes, na nagkaroon ng palitan ng putok sa pagitan ng kanilang mga pwersa at Philippine National Police (PNP) sa Jolo, Sulu matapos mapatay ng mga pulis ang apat na militar na noo'y nasa anti-terrorist intelligence operation laban sa Abu Sayyaf.
Una nang sinabi ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region na nagkaroon ng diumano sa putukan 5 p.m. noong Lunes sa pagitan ng dalawang panig matapos "makipaghabulan" at "bumunot ng baril" ng apat matapos bumaba ng sasakyan, bagay na nauwi raw sa kanilang pagkamatay.
Kasama sa mga nasawi sina Army Major Marvin Indammog, commanding officer ng Intelligence Service Unit-9, Captain Irwin Managuelod, Sgt. Eric Velasco at Corporal Abdal Asula.
Basahin: NBI urged to into alleged shootout between cops, soldiers in Sulu
Pero sa panayam ng CNN Philippines kay AFP spokesperson Brig. Gen. Edgar Arevalo, sinabi ng opisyal na hindi ganyan ang nangyari.
"We could look at the spot reports submitted by the Philippine National Police and if it were to be taken as to what its contents say, ang sabi doon, nag-attempt na mag-angat, mag-level ng baril patungo sa mga PNP allegedly... 'yun diumano ang dahilan upang paputukan ng miyembro ng PNP itong ating mga sundalo ," ani Arevalo.
"Kung 'yun ang ating titingnan, malinaw na walang naganap na barilan, hindi nagkaroon ng exchange of fire... at kung makikita natin ang mga larawan, makikita natin 'yung mga sundalo ay nandoon malapit sa sasakyan at 'yung isa nandoon pa sa loob."
Ang mga militar, na hinarang ng mga pulis habang nakasuot nang pangsibilyan, ay pinakiusapang dumiretso sa Jolo police station kahit nagpakilala nang mga sundalo. Gayunpaman, hinarurot daw ng mga sundalo ang sasakyan kung kaya't nagkaroon ng putukan.
Pero ayon sa 1st Infantry Division ng Army, na namumuno sa nasabing military unit, umalis sina Indammog sa checkpoint nang maramdamang nakokompromiso ang kanilang misyon dahil sa tagal aniya ng identity verification process ng pulis.
Tinawag nang "overkill" ng hepe ng Western Mindanao Command na si Lt. Gen. Cirilito Sobejana ang nangyari, at iminungkahi ang independyenteng imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI).
Ikinagalit naman ni Philippine Army Commanding General Lt. Gen. Gilbert Gapay ang nangyari, at iniutos ang isang "full-blown" investigation sa pagkasawi ng kanilang mga tauhan.
"The soldiers were on a mission to identify the location of known terrorists in the area. Based on eyewitness accounts, no altercation transpired between the two parties nor was there any provocation on the part of Army personnel to warrant such carnage," ani Gapay.
Dagdag pa niya, walang ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na nakialam nang mangyari ang pamamaril.
Tinutukoy niya ang PDEA forces na nagpapatrolya sa Barangay Busbos na nakakita diumano sa apat na armadong sundalo na nakasakay sa isang gray SUV sa Sitio Marina, Baranggay Walled kahapon.
PNP nakiramay
Sa kabila ng nangyari, nagpaabot na ng pakikiramay ang pamunuan ng PNP sa mga naulila ng insidente.
"The PNP leadership extends its deepest condolences to the family and colleagues of two Philippine Army officers and two enlisted men who died in the unfortunate incident of a misencounter with PNP personnel in Jolo, Sulu this afternoon," sabi ng pulisiya sa isang pahayag kahapon.
"The PNP and AFP officials in Sulu have agreed that the National Bureau of Investigation (NBI) Regional Office in Zamboanga City will conduct and lead the investigation to ensure impartiality and to eliminate any suspicion of undue influence."
Bilang agarang aksyon, lahat ng mga kawani ng Jolo MPS na may kinalaman sa insidente ay "restricted to quarters" bilang paghahanda sa imbestigasyon ng NBI.
Inatasan na rin si Regional Director of Police Regional Office-BAR Police Brigadier General Manuel Abu na iabot ang lahat ng kinakailangang suporta ng NBI dito.
Resulta ng EJK?
Binanatan naman ni dating Sen. Antonio Trillanes IV, isang dating militar, ang nangyaring pamamaslang sa mga sundalo.
Aniya, maiuugnay daw ito sa kultura ng extrajudicial killings (EJK) na laganap sa ilalim ni Pangulong Rodrigo Duterte.
The murder of the 4 Army men by the PNP yesterday is the latest price we have to pay for tolerating the EJKs the past 4 years.
— Sonny Trillanes IV (@TrillanesSonny) June 29, 2020
Make no mistake, duterte's "nanlaban" doctrine is the poison that destroyed the PNP as an institution.
"The murder of the 4 Army men by the PNP yesterday is the latest price we have to pay for tolerating the EJKs the past 4 years," sabi ni Trillanes.
"Make no mistake, duterte's "nanlaban" doctrine is the poison that destroyed the PNP as an institution." — may mga ulat mula kina Franco Luna at The STAR/John Unson
- Latest