Tinyente todas, 9 sugatan sa engkuwentro
NORTH COTABATO, Philippines — Nasawi ang isang Army lieutenant habang 9 pa sa kanilang tropa ang nasugatan matapos na sumiklab ang bakbakan sa pagitan ng militar at Abu Sayyaf Group sa Sitio Tubig Bukayon, Barangay Pansul, Patikul, Sulu nitong Lunes.
Kinilala ang nasawing sundalo na si 1Lt. Ryan Lou Retener, miyembro ng 32nd Infantry Battalion na kabilang sa mga nagsasagawa ng clearing operation sa isla ng Sulu.
Ang mga nasugatang sundalo ay nakilalang sina Sergeant Lito Nuevo Jr., Private First Class (PFCs) Harold Kim Sagante, Jay-ar Sebastian; Danar Berganio, at Privates Jan Maligaya, Zyrus Wayas, Arthur De Leon, Raffy Santillan at Jerric Nantes.
Batay sa ulat, habang nagpapatrolya sa lugar ang mga sundalo nang umatake sa magkabilang direksiyon ang mga bandidong ASG sanhi ng sagupaan.
Tumagal ng halos dalawang oras ang engkuwentro sa Sitio Tubig Bukayon na naging dahilan ng pagkasawi ng isang sundalo at pagkasugat ng 9 na kasamahan.
Apat naman sa tropa ng Abu Sayyaf ang sinasabing nasawi sa bakbakan na patuloy pang kinukumpirma sa ground.
- Latest