Ama kinatay ng pasaway na anak
CAVITE, Philippines — Patay ang isang ama nang pagsasaksakin ng sariling anak na pasaway matapos niyang sermunan habang nag-iinuman kamakalawa ng gabi sa Brgy. 48-A Bagong Pook Cavite City.
Hindi na umabot pang buhay sa pagamutan ang biktimang si Jerry Roma Asero Sr., 46-anyos, garbage collector at residente ng Barangay 48-A, Bagong Pook, San Antonio, Cavite City.
Naaresto at nahaharap sa kasong parricide ang suspek na si Jerry Quirimit Asero Jr., 24-anyos, residente rin ng nasabing lugar.
Sa ulat, alas-10:30 ng gabi habang kapwa lango na sa alak ang mag-ama nang sila ay magkasagutan. Paulit-ulit na sinermunan ng nakatatandang Asero ang pasaway na anak. Hindi umano matanggap ng suspek ang paulit-ulit na panenermon ng ama kung kaya naburyong at dinampot ang patalim sa kanilang harapan hanggang sa walang habas nitong pinagsasaksak ang ama.
Naitakbo pa sa Bautista Hospital ang biktima subalit idineklarang dead-on-arrival sanhi ng mga saksak sa katawan habang agad na naaresto ang kanyang anak.
- Latest