Operator na ‘di susunod sa fare matrix, tatanggalan ng prangkisa
NORTH COTABATO, Philippines — Babawian ng prangkisa ang mga operator ng mga sasakyan sa Rehiyon 12 na hindi susunod sa panuntunan ng fare matrix na ipatutupad sa ilalim ng “new normal policy” sa Rehiyon 12.
Ito ang naging babala kahapon ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board Regional Director 12 Reynato Padua sa isang panayam ng Pilipino STAR Ngayon.
Pinaaalalahan pa nito ang lahat ng operators na sundin ang ipinalabas na bagong fare matrix dahil ang hindi pagsunod ay nakapaloob sa franchise violation at maaaring bawiin ang kanilang prangkisa depende sa kung ilang beses nilang ginawa ang paglabag.
Aniya, kung may mamonitor na nananamantala, kailangan lamang na i-report ng commuter sa kanilang tanggapan, dapat kunin ang case number, ang mismong pangyayari at dapat dumalo sa hearing ang nagrereklamo.
Kaugnay nito, pinaghahandaan na rin ng Land Transportation and Regulatory Board o LTFRB Region 12 ang mga magiging new normal policy sa pagbabalik operasyon ng mga public utility vehicles (PUVs) sa ilalim ng modified general community quarantine (MGCQ). Bagama’t wala pang schedule sa mga inter-regional route ay nagsisimula nang mamigay ng special permits ang tanggapan sa mga nag-apply na mga kompanya na consolidated bilang cooperative at hindi pinahihintu-lutan ang mga individual o asosasyon.
- Latest