^

Probinsiya

'Vintage car' ng Cavite mayor ipina-auction para sa ayuda habang lockdown

James Relativo - Philstar.com
'Vintage car' ng Cavite mayor ipina-auction para sa ayuda habang lockdown
Kuha ni Aguinaldo at ng sasakyang ipinasusubasta. Mapupunta ang proceeds nito para sa mga programa para sa mga senior citizens ngayong may COVID-19 crisis.
Mula sa Facebook ni Angelo Aguinaldo

MANILA, Philippines — Ipinasusubasta ngayon ng isang alkalde ang sariling sasakyan upang madagdagan ang perang gagamitin bilang tulong sa kanilang lugar sa gitna ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic at enhanced community quarantine.

Ayon kay Kawit, Cavite Mayor Angelo Aguinaldo, desidido siyang ibenta ang kanyang 1969 Dodge Charger R/T, isang vintage car, para matulungan ang constituents habang lockdown.

"Mahalaga man ang sasakyan na ito para sa akin, higit naman na mas mahalaga ang kapakanan at kalusugan ng aking nasasakupan," sabi niya sa kanyang Facebook post, Huwebes.

"Kaya’t ang buong proceeds po ng auction na iyon ay ilalaan po natin sa mga programa para sa ating mga senior citizens lalo na sa kasagsagan ng krisis na ito."

 

 

Dagdag niya, hindi biro ang problema ng COVID-19 at wala pang nakakaalam kung hanggang kailan magtatagal ang krisis.

Hindi raw kasi biro ang gastusing kinakailangan ngayon upang i-mintena ang komunidad habang ECQ.

Biyernes nang umaga nang ihayag ng Palasyo na ie-extend hanggang ika-15 ng Mayo ang lockdown sa iba't ibang bahagi ng bansa na "high-risk" pa rin para sa COVID-19.

Kasama sa mga sasaklawin ng pinalawig na ECQ ang probinsya ng Cavite, kung saan namumuno si Aguinaldo.

Sabi pa ng mayor, gagamitin niya ang perang malilikom para sa atensyong medikal para sa mga senior citizen sa kanilang munisipalidad, na sinasabing mas delikado pagdating sa malalang komplikasyon sa COVID-19.

"Umabot po sa 5.9 MILLION PESOS ang highest bid sa ngayon," sabi niya pa sa hiwalay na FB post, na nagpapakita ng video ng pinakamamahal na kotse.

"Kahit malapit sa puso ko ang sasakyang iyon, ay hindi po ako nag atubiling, ipa-auction ito."

 

 

Kilalang kamag-anak ni dating Pangulong Emilio Aguinaldo, na isa sa mga pinuno ng Katipunan, ang Kawit mayor.

Ika-14 ng Abril nang makiusap si Senate President Vicente "Sotto" III na abonohan muna ng mga local government unit ang pang-ayuda sa kanilang lugar kung wala pang pera mula sa pamahalaan.

Umabot na sa 7,192 ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa bansa, ayon sa ulat ng Department of Health, Biyernes. Sa bilang na 'yan, 477 na ang namamatay.

ANGELO AGUINALDO

AUCTION

CAVITE

KAWIT

LOCKDOWN

MEDICAL AID

NOVEL CORONAVIRUS

VINTAGE CAR

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with