Kabataan sa Bataan arestado habang 'lockdown' kahit nasa sariling bakuran
MANILA, Philippines — Huli ang ilang kabataan sa probinsya ng Bataan matapos mahuling naglalaro ng pool habang ipinatutupad ang enhanced community quarantine (ECQ) sa buong Luzon.
Sa Facebook post na inaprubahan ni Limay, Bataan Vice Mayor Richie David, ipinaskil ang "mugshot" ng tatlong kabataan na pinaghuhuli: "Mahalagang paalala na hindi nagbibiro ang Pamahalaang Bayan pagdating sa pagpapatupad ng curfew."
Naghihigpit ngayon ang national government sa paglabas-labas ng bahay para hindi kumalat ang nakamamatay na coronavirus disease (COVID-19), habang nagpapataw naman ng curfew ang ilang lungsod at munisipalidad.
Pero sa pagkakataong ito, nasa loob lang sila ng sariling bakuran.
"Kahit po kayo ay nasa loob ng bakuran at nakitang mahigit sa dalawa ang naglalaro ng POOL po huhulihin po tlga kayo," sabi pa ng Limay local government sa comments section.
"Mariin po pinagbabawAl ang pagsasama sama ng mga tao di po ba? May social distancing po tayo pero bakit po naglalaro ng pool?"
Mahigpit na ipinagbabawal sa ngayon ang paglulunsad ng mga aktibidad na nilalahukan nang maraming tao, habang ipinag-uutos sa lahat na lumayo nang hindi bababa sa isang metro mula sa iba pa upang makaiwas sa hawaan.
Umabot na sa 3,764 ang bilang ng kaso ng COVID-19 sa Pilipinas kahapon, ayon sa Department of Health. 177 sa kanila ang namatay na.
"Oras na po ng curfew at ang lahat ay dapat nasa loob na po ng tahanan para sa seguridad. Home quarantine po sa loob po ng bahay," dagdag pa ng Limay LGU.
Galit ng netizens
Ikinagalit naman ng netizens ang aniya'y overkill sa parusang ipinataw sa mga kabataan.
Ayon kay Nhoj Leugim Ocim sa FB, maiintindihan niya pa kung ipagbabawal ang magpunta sa kapitbahay, ngunit "kalokohan" na raw kung ang hulihan ay sa sariling bakuran.
"[L]ibangan nlng ng mga bata habang quarantine tpos hhulihin sa luob pa ng bakuran nila," sabi niya a comments.
Tanong naman ni Mikha Aliyah - Kate, bakit napapakiusapan ang mga nahuhuling nagsusugal pero hinuhuli ang mga bata: "Kase walang laban sainyo. Ganon na ba ang batas ngayon."
Una nang sinabi ng Commission on Human Rights (CHR) na sana'y alinsunod pa rin karapatang pantao at batas ang mga isasagawang pag-aresto sa habang lockdown at hindi mauwi sa pang-aabuso.
Pakiusap naman ng Human Rights Watch (HRW) sa otoridad na iwasan ang mga 'di makataong parusa sa mga quarantine violators. Ilan sa mga nahuhuli ay naiulat na isinilid sa hawla ng aso, ibinibilad sa ilalim ng araw atbp.
Lunes nang pormal na i-extend ni Pangulong Rodrigo Duterte hanggang ika-30 ng Abril ang ECQ sa buong Luzon kaugnay ng COVID-19.
Dahil dito, suspendido pa rin ang lahat ng klase, pampublikong transportasyon habang "work from home" o "no work no pay" ang mga empleyado't manggagawa.
- Latest