Engineer gutay sa nilagareng vintage bomb
SOUTH COTABATO, Philippines — Patay ang isang civil engineer matapos na sumabog ang isang vintage bomb na pinuputol nito gamit ang electric steel grinder sa Barangay Maligo sa bayan ng Polomolok, dito sa lalawigan kahapon ng umaga.
Halos magkagutay-gutay ang katawan ng biktimang si Engr. Vincent Claus Degula, 40-anyos, tubong Cebu City at nangu-ngupahan sa Purok Hechanova, Brgy. Poblacion, Polomolok, South Cotabato nang masabugan ng bomba dakong alas-7:00 ng umaga.
Ayon kay Lt. Col. Marvin Duadua, hepe ng Polomolok Municipal Police, naganap ang pagsabog sa bahay ng kaibigan ng biktima kung saan siya nagsu-supervise ng infrastructure project.
Nangyari umano ang pagsabog matapos dalhin ni Degula ang nasabing vintage bomb kasama sina Winnie Fundar at Pastor Moises Villar sa kaibigang si Joseph Namion na isang mekaniko para sana ay kanilang buksan ang kinakalawang na bomba.
Ilang saglit ay tumungo sa kanyang sasakyan ang biktima at kumuha ng grinder.
Hindi umano nagpaawat ang engineer sa kabila ng mga babala ng mga kaibigan na posibleng sumabog ang bomba kaya tinangkang putulun ang bomba sanhi ng matinding pagsabog.
Agad na namatay ang biktima at halos magkahiwa-hiwalay ang parte ng katawan nito habang ang dalawa nitong kasama ay tumilapon ng ilang metro at nagkapasa-pasa ang katawan.
Sinabi ng dalawang kasama ng biktima na naniniwala ang biktima na may lamang ginto ang bomba kaya pinagkainteresan nitong buksan.
- Latest