11 katao galing China inoobserbahan sa nCoV
MALOLOS CITY, Bulacan, Philippines – Nasa 11 katao na nanggaling sa China ang kasalukuyang inoobserbahan dito sa lalawigan dahil sa pangambang kinapitan ng nakamamatay na novel coronavirus (nCoV).
Sa ulat, tatlong kaso ng nCoV ang iniimbestigahan ngayon sa Bulacan Medical Center habang walong iba pa ang under monitoring sa kani-kanilang bahay sa Bulacan.
Ayon kay Dra. Joy Gomez, hepe ng Provincial Health Office, may tatlong person under investigation (PUI) na nasa isolation room ng nasabing ospital habang lima sa walong persons under monitoring (PUM) ay klaro na sa nasabing virus at ang tatlo pa ay patuloy na inoobserbahan sa kani-kanilang tirahan.
Sinabi ni Dra. Gomez na ang tatlong PUI ay dalawang araw nang nasa isolation room ng nasabing ospital at sa ikaapat na araw ay malalaman na ang resulta ng laboratory test mula sa Department of Health kung positibo o negatibo sila sa nCoV.
Kaugnay nito, pinag-iingat ni Bulacan Gov. Daniel Fernando ang mga Bulakenyo at pinayuhang palaging maging malinis sa katawan at umiwas na makihalubilo sa mga taong may sintomas ng ubo at sipon. Pinaalalahanan din nito ang lahat ng mga botika at ospital na huwag itago at ibenta sa tamang presyo ang N95 face mask na pangunahing kailangan ng mga tao sa ganitong panahon.
- Latest