PUI na tumakas, hawak na ng RITM
CAVITE, Philippines — Nahanap na at nasa pangangalaga na ngayon ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) ang isang person under investigation (PUI) dahil sa novel cornonavirus (nCoV) na napaulat na tumakas sa isang ospital sa lalawigang ito.
Ang PUI na isang manager sa isang hotel ay galing umano sa Dumaguete City at pagdating sa Maynila ay nagpatingin sa isang pribadong ospital sa Silang, Cavite kung saan siya nakatira.
Sinasabing ang nasabing pasyente na isang Pinoy ay kabilang sa mga PUI mula sa Dumaguete.
Ayon kay Department of Health (DOH)-Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas Rizal, Quezon) Regional Director Eduardo Janairo, pinalabas umano ang pasyente matapos na lagnat lamang ang naging resulta sa kanya ng nasabing pribadong ospital pero nahanap din kalaunan at dinala sa RITM.
Samantala, sinabi ni Janairo na naghanda na ang DOH-Calabarzon ng mga ospital kasama na rin dito ang ilang pribadong ospital na may isolation rooms na maaaring gamitin para sa mga pasyenteng may kaso ng 2019 nCoV.
Sa ngayon, nasa 133 ang PUI sa bansa habang nananatiling tatlo ang kumpirmadong kaso ng nCoV sa Pilipinas.
- Latest