Sundalo dedo, 1 kritikal sa ratrat ng tandem
MANILA, Philippines — Patay ang isang sundalo habang nasa kritikal na kalagayan ang kasamahan nito matapos ratratin ng riding-in-tandem sa Midsayap, North Cotabato nitong Miyerkules ng tanghali.
Kinilala ang nasawing biktima na si Private First Class Meljay Bernal, 30, napuruhan ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Patuloy namang isinasalba sa pagamutan ang kasamahan nitong nakilala namang si Corporal Earl Tabaranza, 31-taong gulang. Ang dalawa ay kapwa miyembro ng Army’s 34th Infantry Battalion (B).
Sa report ni Col. Glenn Caballero, Commander ng Army’s 34th IB pasado alas-11:00 ng tanghali nang mangyari ang insidente sa kahabaan ng national highway ng Brgy. Central Glad, sa naturang bayan.
Ayon sa imbestigasyon, lulan ng Yamaha sniper na motorsiklo ang mga biktima na kapwa nakadamit na pang-sibilyan at wala sa combat operation nang paulanan ng bala ng mga armadong suspek sa lugar na sakay rin ng isang motorsiklo.
Nagsasagawa na ng manhunt operations ang mga awtoridad sa mga nagsitakas na salarin.
- Latest