6-wheeler nabagsakan ng container van: 2 dedo
NUEVA ECIJA, Philippines – Kapwa nasawi ang drayber at pahinante ng isang 6-wheeler closed van makaraang mabagsakan sila ng container van ng kasalubong na trailer truck sa kahabaan ng Maharlika Highway, Brgy. San Pascual, sa bayan ng Talavera, dito sa lalawigan noong Martes ng madaling-araw.
Kinilala ni P/Lt. Col. Alexie Desamito, hepe ng Talavera Police, ang dalawang nasawi na sina Willy Solis, 44-anyos, drayber, may-asawa, ng Brgy. Nilumbot, Mapandan, Pangasinan; at Rogin Dacaymat, pahinante, 20, ng Brgy. Gueguesangen, Sta. Barbara, Pangasinan.
Himala namang nakaligtas sa kapahamakan ang isa pang pahinante ni Solis na nakilalang si Alexander Aranas, 49, may-asawa ng Sta. Quiteria, Caloocan City, at ginagamot ngayon sa Talavera General Hospital.
Nahaharap naman sa kasong reckless imprudence resulting in double homicide and damage to property ang drayber ng trailer truck na si Gonzalo Calipes Jr., 46, ng 317 Patria Street, Balut, Tondo, Manila.
Ayon sa pulisya, alas-3:05 ng madaling-araw nang mangyari ang aksidente sa pagitan ng isang 6-wheeler closed van na may plakang JM-3879 na minamaneho ni Solis at ng trailer truck na Man Tractor Head (TQR-764) na minamaneho ni Calipes. Habang binabagtas ng trailer truck na patungong Metro Manila ang highway nang biglang iwasan nito ang isang sasakyan na nag-overtake sa kanya sanhi upang sumabit ang kargang container van sa isang malapad na sanga ng punong acacia na nasa gilid ng highway. Maaaring hindi umano ito napansin ni Calipes at tuluy-tuloy sa pag-andar na nagresulta sa pagkahulog ng container van at sa kasamaang palad ay bumagsak ito sa kasalubong na sasakyan nina Solis na patungo naman sa San Jose City sanhi ng pagkadurog ng dalawa.
- Latest