2 mangingisda niratrat ng mga pirata
CAVITE, Philippines — Patay ang dalawang mangingisda matapos pagbabarilin umano ng mga pirata habang nasa dagat sa Ternate, sa lalawigang ito, kamakalawa ng hapon.
Ang dalawang nasawi ay kinilalang sina Ramil Culanag at Andres Oliveros kapwa mga nasa hustong gulang, mga mangingisda at residente ng Navotas City.
Hindi naman nakilala ang mga armadong suspek na sakay ng tatlong bangka na mabilis na nagsitakas matapos ang pamamaril.
Sa ulat na nakarating sa tanggapan ni Cavite Provincial Director Col. Marlon Santos, alas -3:00 ng hapon ng makatanggap ng report ang Ternate Police hinggil sa naganap na pamamaril sa karagatan ng Ternate.
Sa pagsisiyasat ng pulisya, sakay ang dalawang biktima ng isang bangka at naglalayag ang mga ito patungo ng baybayin ng Navotas nang bigla na lamang harangin ang mga ito ng tatlong bangka sakay ang mga armadong suspek.
Dito na pinagbabaril ng mga ito ang mga biktima bago mabilis na tumakas.
Sa pagsasagawa ng search and rescue operation, narekober ang katawan ng mga biktima sa karagatan sa pagitan ng Naic at Ternate makalipas ang may mahigit sa apat na oras.
Patuloy ang imbestigasyon sa naturang kaso.
- Latest