Hepe binaril ng kinastigong rookie cop
Agusan Del Sur, Philippines -- Nasa kritikal na kondisyon ang isang colonel na nagsisillbing force commander ng elite force ng pulisya matapos na barilin ng kinastigo nitong rookie cop sa loob mismo ng kanilang himpilan sa Bunawan, Agusan del Sur noong Biyernes ng gabi.
Kinilala ni Caraga Police director P/Brig Gen. Joselito Esquivel Jr. ang biktima na si P/Lt. Col. Rex Lomente, nasa hustong gulang, force commander ng Agusan del Sur 2nd Police Mobile Force Company (PMFC) na nakabase sa Bunawan Brook ng bayang ito na isinugod sa Bunawan District Hospital. Siya ay nagtamo ng tama ng bala ng cal. 45 pistol sa kanyang ulo at dahilan sa maselang kalagayan ay inilipat sa Davao Medical Center para malapatan ng lunas.
Ayon kay Esquivel, pinaghahanap na ang suspek na si Patrolman Jhon Paul Gerida, tauhan ni Lomente sa Agusan del Sur 2nd PMFC.
Sa imbestigasyon, dakong alas-9:25 ng gabi nang ipatawag ni Lomente sa loob ng kanyang tanggapan ang nasabing parak at sinermunan sa nagawang pagkakamali sa pagtupad ng tungkulin. Minasama naman ni Gerida ang pananabon ng superior hanggang sa bigla na lamang nitong bunutin ang kanyang cal. 45 pistol at pinaputukan sa ulo ang kanyang opisyal na duguang napasalampak sa opisina nito. Mabilis na tumakas ang suspek matapos ang pamamaril patungo sa ‘di pa malamang destinasyon.
- Latest