Kumander ng NPA, todas sa engkuwentro
MANILA, Philippines — Napatay ng mga pinagsanib na puwersa ng militar at pulisya ang isang sinasabing notoryus na commander ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa naganap na engkuwentro sa Brgy. Ka-patagan, Laak, Compostela Valley noong Miyerkules ng umaga.
Kinilala ang napatay na kumander na si Marjun Taba alyas “Commander Hiker”, aktibong nag-o-operate sa mga lalawigan ng Compostella Valley, Agusan del Sur at Davao del Norte.
Si Taba ay tumatayong deputy secretary ng CPP-NPA’s Sub-Regional Committee 4, Southern Mindanao Regional Committee (SMRC) na may 6 warrants of arrest sa mga kasong murder, attempted murder, rebellion, serious illegal detention, double murder at double frustrated murder.
Ayon sa ulat, dakong alas-8:00 ng umaga nang magsagawa ng operasyon ang pinagsanib na elemento ng Army’s 60th Infantry Battalion, Army’s 25th Infantry Battalion (IB) sa ilalim ng 100st Infantry Brigade at Laak Municipal Police Station (MPS) laban sa target.
Bago ang operasyon ay nakatanggap ng tip ang tropa ng militar hinggil sa presensya ni Taba sa bayan ng Laak matapos itong bumaba sa kapatagan.
Gayunman, tumanggi si Taba na sumurender at sa halip ay nagpaputok ng baril na nauwi sa palitan ng putok sa pagitan ng magkabilang panig.
Sa palitan ng putok na tumagal ng mahigit limang minuto ay napatay si Taba pero nagawang makatakas ng apat nitong tauhan na nagpulasan ng takbo sa kasagsagan ng bakbakan.
Narekober sa encounter site ang bangkay ni Taba at nakumpiska rin mula sa dala-dalahan nito ang isang cal. 45 pistol at dalawang improvised explosive devices (IEDs).
- Latest