4 kawatan ng semento, tiklo
NUEVA ECIJA, Philippines — Habang abala ang mga tao sa pagpunta sa sementeryo upang dumalaw sa kanilang namayapang mahal sa buhay, abala naman sa pagtangay ng 20 bag ng semento ang apat na kalalakihan na sa kalaunan ay naisumbong sa pulisya at naaresto sa bayan ng Jaen noong gabi ng Nobyembre 1.
Bumagsak sa kamay ng Jaen Police ang apat na suspek na nakilalang sina Erwin Pulicina, 30; Johnny Flores, 57; kapwa construction worker at nakatira sa Brgy. Puit, Carranglan, NE; Gilbert Abergas, 41-anyos, may-asawa, isang drayber ng Brgy. San Anton, San Leonardo, NE; at Francisco De Guzman, 41, construction worker ng Brgy. Sto. Tomas South, Jaen, Nueva Ecija.
Ayon sa Jaen Police, isang concerned citizen ng Brgy. Sto. Tomas South ang tumawag sa kanilang himpilan upang ireport na kanilang inaresto ang nasabing apat na lalaki na kanilang nahuling isinasakay sa isang 6-wheeler Isuzu Elf truck, (WMA-269) ang may 20 sako ng semento na pag-aari umano ng Front 9 Construction Company.
Dahil sa pista opisyal ang Nob. 1 (All Saints Day), wala umanong naiwang bantay ang nasabing construction firm sa site ng kasalukuyang ginagawa nitong river wall sa Brgy. Sto. Tomas South kaya sinamantala ito ng mga suspek pero natiklo ng mga residente bandang alas-10 ng gabi.
- Latest