Mag-asawang doktor pinaaaresto ng korte
MANILA, Philippines — Iniutos ng korte ng Cabugao sa Ilocos Sur na arestuhin ang mag-asawang doktor na nahaharap sa kasong “serious illegal detention”.
Ang warrant of arrest ay inilabas ni Presiding Judge Homer Jay Ragonjan ng RTC Branch 24 noong Oktubre 25, 2019 laban kina Jemaima Tan-Yee at asawang si Johann kaugnay sa umano’y pagpigil sa isang psychiatric patient na si Aivon Guillermo sa Tan-Yee Therapeutic Home Care Psychiatric and Rehabilitation Center simula noong Enero 9, 2013 matapos na mabigong magbayad ng kanyang hospital bill na umabot sa P294,168.
Sa rekord ng korte, si Guillermo ay na-admit sa nasabing rehabilitation center noong Marso 15, 2012 dahil sa diagnosis na “brief psychotic disorder”.
Noong Setyembre 2012, ipinaalam ng mga respondents sa ina ni Aivon na si Ginang Nora na ang kanyang anak ay maaari nang makalabas dahil nag-improved na ang kondisyon nito subalit kailangang magbayad sila ng P294,168.
Gayunman, nakapagbigay lang si Nora ng P46,000 sa mga doktor.
Sa kabila nito, hindi pa rin pinalabas ang kanyang anak mula sa naturang rehab center.
Dahil dito, kahit may sakit, napilitan si Guillermo na magtrabaho sa naturang center at may sahod na P2,500 kada buwan. Sa nasabing halaga ay binabawas pa rito ang P2,000 habang ang P500 ay para naman sa kanyang gamot.
Nadiskubre rin ni Nora na binibigyan lang ang anak ng P100 para sa kanyang gamot sa unang tatlong buwan ng kanyang pagtatrabaho at wala na ng mga sumunod na buwan hanggang sa palayain na siya noong Marso 29, 2019 kung saan inilabas din ng Provincial Prosecutor ng Ilocos Sur ang pagsasampa ng kasong serious illegal detention laban sa mag-asawa.
- Latest