‘Pantomina’ ng Sorsogon pasok sa Guinness
LEGAZPI CITY, Albay, Philippines — Nasungkit ng lalawigan ng Sorsogon ang unang world records ng Guinness Book of World Records para sa sabay-sabay na pagsasayaw ng “Pantomina” ng 7,127 katao sa mga pangunahing kalsada ng Sorsogon City, Sorsogon kamakalawa ng hapon.
Ang Pantomina ay kilala bilang Bicolano “dance of love and courtship”.
Eksaktong alas-5 ng hapon, pinangunahan mismo ng mag-asawang Gov. Francis “Chiz” Escudero at actress Heart Evangelista ang mga lokal na opisyal ng lalawigan at mga bisita ang pagsasayaw ng “Pantomina sa Tinampo (kalsada)” na sinabayan ng mga residente, barangay officials, mga estudyante at guro, mga kawani ng gobyerno at pribadong kumpanya na pumuno sa limang kilometrong kalsada. Tumagal ang pagsasayaw sa loob ng 30-minuto.
Ayon kay Swapnil Dangarikar, ipinadalang adjudicator ng Guinness World Records, humanga siya sa ipinakitang pagsasayaw ng mga lumahok nang halos sabay-sabay.
Mismong si Gov. Escudero ang tumanggap ng plake na may titulong “The Largest Filipino Folk Dance” mula kay Dangarikar.
Maliban sa Guinness, tumanggap din ang lalawigan ng “commendation award” mula sa Philippine Folkdance Society at Cultural Center of the Philippines dahil sa pagpapalaganap at pag-promote sa tinaguriang “love and court dance” ng bansa.
Pinasalamatan ni Escudero ang lahat ng lumahok na naging bahagi ng malaking tagumpay ng pinakatampok na aktibidad sa ginawang dalawang linggong selebrasyon ng “Kasanggayahan (bountiful) Festival” at sa ika-125 anibersaryo ng pagiging lalawigan ng Sorsogon.
- Latest