Senglot nalunod sa ilog!
Mga nagtangkang sumagip, lasing din
TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines — Nasawi sa pagkalunod ang isang 39-anyos na mister na lango sa alak na lumusong sa Pinacanauan River sa Barangay Dodan, Peñablanca sa lalawigang ito kamakalawa.
Sa report ng pulisya, nagpasyang magtampisaw si Bien Villanueva at kanyang mga kainuman upang mapreskuhan sa idinaos nilang laklakan sa bahay ni Jaytie Laguna dakong alas-11:20 ng tanghali.
Gayunman, nauwi sa trahedya ang kanilang kasiyahan nang magawi si Villanueva sa malalim na bahagi ng ilog at nagsisigaw ng saklolo sa mga kasamahan habang nalulunod.
Bagama’t walang marunong lumangoy sa kanyang mga kasama na umano’y mga lasing din, sumakay pa sila sa bangka at tarantang sumagwan gamit ang mga kamay subalit hindi nila kaagad naabutan ang biktima upang masagip dahil sa sobrang kalasingan.
Dumating naman ang mga emergency responders sa lugar subalit lumutang na ang biktima at patay na siya nang mairating sa Cagayan Valley Medical Center.
- Latest