Bayaning pulis pinarangalan
MANILA, Philippines – Ginawaran ng parangal ng Philippine National Police (PNP) ang isang pulis na nagbuwis ng buhay sa pakikipaglaban sa mga holdaper sa naganap na engkuwentro sa Ramon, Isabela noong Setyembre 20.
Ayon kay PNP Spokesman Police Brig. Gen. Bernard Banac, ang Medalya ng Kadakilaan (PNP Heroism Medal) ay iginawad kay Police Staff Sergeant Richard Gumarang kung saan ay kinatawanan ito ni Police Regional Office (PRO) 2 Jose Mario Espino. Ang nasabing parangal ay tinanggap ng biyuda ni Gumarang na si Gng. Michelle Gumarang.
Bukod sa posthumous award, ang naulilang pamilya ni Gumarang ay tatanggap ng P250,000 death benefits mula sa President’s Social Fund na aabot mula sa P141,000-P181,000 bilang Special Financial Assistance (SFA) sa PNP; P50,000 burial benefits at P200,000 gratuity mula sa National Police Commission maliban pa sa P15,000 monthly lifetime pension mula sa PNP at nasa P15,000 pension din sa loob ng 5 taon mula sa Napolcom.
Magugunita na bagama’t off duty, nagpakita ng pambihirang tapang at kabayanihan si Gumarang nang makipagbarilan sa dalawang robbery/holdup suspects sa Brgy. Turod Bugallon Norte, Ramon, Isabela noong Setyembre 20 sanhi ng kanyang pagkamatay.
- Latest