P33 milyon reward vs Baldo hinahanap
6 ‘testigo’ kakarampot lang ang natanggap - solon
LEGAZPI CITY, Albay, Philippines — Pinagpapaliwanag ngayon ng mga kongresista na miyembro ng 17th Congress ang Philippine National Police (PNP) kung saan napunta ang P33 milyong reward na para sana sa anim na sumukong gunmen na tumestigo laban kay dating Mayor Carlwyn Baldo na itinuturong utak sa pamamaslang kay dating Ako Bicol (AKB) Party-list Rep. Rodel Batocabe noong Disyembre 22 sa Brgy. Burgos, Daraga ng lalawigang ito.
Sa panayam kay AKB Cong. Alfredo Garbin Jr., dapat na magkaroon umano ng “transparency” at kailangang ilantad ni PNP chief Director General Oscar Albayalde kung saan napunta ang milyun-milyong pabuya na para sana sa mga tumestigo laban kay Baldo.
May kabuuang P33 milyon umano ang napasakamay ni Albayalde kung saan nagmula ito sa P20 milyon na naunang ibinigay ni Pangulong Rodrigo Duterte at P13 milyon mula naman sa kontribusyon ng mga kongesista na dating miyembro ng 17th Congress.
Hinahanapan ngayon ang liderato ng PNP ng mga kongresista matapos malamang “kakapiranggot” na bahagi lamang ang natanggap ng pamilya ng anim na mga umaming gunmen at tumestigo laban kay Baldo kung saan karamihan sa kanila ay nag-retract o nagbago ng statement dahil sa umano’y “nadismaya”’ makaraang umasa na malaking bahagi ang mapupunta sa kanila.
Sa impormasyon ng mga kongresista, nasa 15 porsyento lamang na halaga sa kabuuang P33 milyon ang natanggap ng pamilya ng mga testigo.
Sinabi ni Garbin na hindi nila ibinigay kay Albayalde at hawak nila ang hiwalay na 15 milyong piso na nagmula naman kay AKB Rep. Elizaldy Cu na siyang pinagkukunan ng pantustos sa isinampang kaso lalo sa bayarin sa abogado hanggang sa makuha nila ang hustisya para sa kasamahang si Batocabe. Dito rin umano sila kumukuha ng mga itinutulong sa pamilya ng mga testigo.
- Latest