5-anyos kinatay ng 14-anyos na galing mental
TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines – Kalunos-lunos na kamatayan ang sinapit ng isang 5-anyos na totoy matapos katayin ng 14-anyos na binatilyong kaanak na kalalabas lamang sa mental hospital sa Tuao, Cagayan kamakalawa.
Sa report kay Major Reymund Asistores, hepe ng Tuao Police, walang bahid ng alinlangan na itinuro ng suspek na itinago sa pangalang Roger ang kinalalagyan ng duguang bangkay ng bata na tadtad ng taga sa gitna ng maisan dakong alas-12:00 ng tanghali. Gayunman, walang narekober ang mga imbestigador na murder weapon sa kinatagpuan ng bangkay.
Nabatid na unang iniwan ng mga magulang ang biktima sa pangangalaga ng suspek dakong alas-7:00 ng umaga upang magtrabaho sa anihan.
Sinabi naman ng lola ni Roger na madalas niyang madatnang nagsasalitang mag-isa ang huli na animo’y may kausap na masamang espiritu kaya’t ipinasuri nila sa mental hospital sa lungsod subalit kalaunan ay pinayagan ng mga doktor na umuwi sa kanilang bahay.
Isinailalim ng mga awtoridad sa pangangalaga ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang menor-de-edad na suspek.
- Latest