15-anyos ginawang sex slave, nasagip; 4 suspek tiklo
BALIWAG, Bulacan , Philippines — Isang 15-anyos na dalagita na ginawa umanong sex slave ang nasagip ng mga otoridad habang naaresto naman ang apat na suspek sa magkakasunod na operasyon ng mga otoridad kamakalawa sa Brgy. Bagong Nayon, sa bayang ito.
Sa ulat ng pulisya, dakong alas-10:25 ng gabi nitong Linggo nang salakayin ng mga tauhan ng Baliwag Police ang Crystal Lodge sa nasabing barangay matapos na makatanggap ng report na narito ang biktima na ginawa umanong sex slave. Sa follow-up operation ng Women and Protection Desk ng Baliwag Police, naaresto ang apat na suspek na nakilalang sina Crisffer Sto. Tomas, 30; Crisel Cruz, 25; Ronaldo Carlos, 41; at Fernando Sto. Tomas, 50.
Sa imbestigasyon, ipinagkatiwala ng ina ng biktima na nasa abroad sa kapwa pinsan nito na sina Crisffer at Crisel ang pangangalaga sa dalagita na sa halip na alagaan ay pinagkakitaan sa pamamagitan ng pagpapaarkila rito kina Ronaldo at Fernando na ibinubugaw naman ng dalawa ang biktima sa iba’t-ibang kliyente nila.
Himas-rehas na ngayon ang mga suspek na nahaharap sa patung-patong na kaso.
- Latest