Mindanao nilindol ng 5.6 magnitude
KIDAPAWAN CITY , Philippines — Niyanig ng 5.6 magnitude na lindol ang malawak na bahagi ng Mindanao kung saan sentro ng pagyanig ay sa bayan ng Makilala, North Cotabato, Martes ng gabi.
Sa ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology o Phivolcs, tectonic ang pinagmulan ng nasabing lindol na may lalim na 10 kilometro sa kanlurang bahagi ng Makilala, dakong alas-8:36 ng gabi. Naramdaman naman ang intensity 5 sa Makilala, North Cotabato; Kidapawan City; Koronadal City; Santa Cruz, Davao Del Sur; Intensity IV- Magpet, Matalam, Kabacan and Tulunan, North Cotabato; Davao City; Polomolok, Tupi, Tampakan, and Sto. Nino, South Cotabato; Tacurong City; President Quirino, Sultan Kudarat; Glan at Malungon, Sarangani.
Nasa intensity 3 ang tumama sa General Santos City; Kiamba, Sarangani; Kalilangan and Damolog, Bukidnon; Carmen, North Cotabato; Bagumbayan, Sultan Kudarat habang intensity 2 sa Cotabato City; Nabunturan, Compostela Valley; Valencia City; Maramag, Lantapan, Cabanglasan, Kadingilan, at Kibawe, Bukidnon; at Pikit, North Cotabato at intensity 1 sa Zamboanga City.
Matapos ang lindol, nakapagtala ng 12 aftershocks sa Tulunan, Makilala at Columbio sa Sultan Kudarat. Pagsapit ng alas-10:12 ng gabi ay nasundan ng 4.8 na magnitude na lindol na ang sentro pa rin ay sa Makilala kung saan tectonic ang pinagmulan at may lalim na 12 kilometro.
Ayon kay Engr. Hermes Daquipa, ng Phivolcs Kidapawan, umaabot sa 140 aftershocks ang kanilang naitala kahapon ng umaga. Agad na nagdeklara ng suspensyon ng klase ang Kidapawan City government upang masuri ang mga gusali ng paaralan para matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral. Agad na sinuspende ang klase sa lahat ng antas sa pribado at pampublikong paaralan sa mga bayan ng Makilala, Arakan, Antipas, Matalam, President Roxas, Mlang, Magpet, Tulunan at Kabacan. Mag-aalas-8:00 ng umaga kahapon ay nasundan pa ng 4.9 magnitude na lindol kaya idineklara na ring walang pasok sa lahat ng tanggapan ng pamahalaan sa lungsod.
- Latest