P68-M shabu nasamsam sa poultry farm
MANILA, Philippines — Umiskor ang mga awtoridad kasunod ng pagkakasamsam sa P68 milyong shabu sa isinagawang operasyon sa isang poultry farm na ikinaaresto ng caretaker ng farm sa Lipa City, Batangas nitong Lunes ng hapon.
Ayon kay P/Col. Edwin Quilates, director ng Batangas Provincial Police Office, dakong alas-2:30 ng hapon nang salakayin ng pinagsanib na puwersa ng Batangas Police at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa bisa ng search warrant na inisyu ni Judge Cynthia Mariño Ricablanca ng Regional Trial Court (RTC) ng Tanauan City ang poultry farm sa Brgy. San Francisco ng lungsod.
Arestado sa operasyon si Eugene Fernandez, caretaker ng poultry farm.
Nakumpiska sa operasyon ang aabot sa 10 kilo ng shabu na itinago sa mga pakete ng kulay berdeng tea bag sa nasabing manukan.
Lumilitaw na ginagawang front ng suspek ang poultry farm para maging bodega o taguan ng shabu.
Isinailalim sa surveillance operation matapos na magsimulang magduda ang mga awtoridad dito dahil sa kabila ng pagiging caretaker lamang ay malakas itong pumusta sa sabungan na may mga pagkakataong natatalo ng P500,000 at naging marangya rin ang pamumuhay.
Samantala, nakumpiska rin mula sa suspek ang isang cal. 45 pistol na baril na kargado ng bala, ilang paso na may tanim na marijuana at mga drug paraphernalia.
- Latest