Disqualification vs Gov. Tallado, ibinasura ng Korte Suprema
CAMARINES NORTE, Philippines — Lalo pang tumibay ang kandidatura ni Camarines Norte Gov. Edgardo Tallado matapos na ibasura ng Korte Suprema ang desisyon ng Comelec En Banc na disqualification.
Matapos ang paglabas nitong Miyerkules ng desisyon ng Comelec En Banc na diskwalipikado na si Tallado dahil sa isyu sa term limit, naglabas naman nitong Biyernes ng gabi ng Status Quo Ante Order o Temporary Restraining Order (TRO) ang Kataas-taasang Hukuman ng Pilipinas para pigilin ang desisyon.
Ayon kay Atty. Garcia, mas maganda at mas malakas ang TRO na nakuha nila sa Korte Suprema dahil isinasantabi na nito ang ginawang mga desisyon ng Commission on Elections (Comelec) First Division at Comelec En Banc.
Kinontra rin ng kilalang election lawyer ang pahayag ng abogado ng mga nagpetisyon na peke ang TRO ni Tallado dahil Clerk of Court ang pumirma rito sa halip na ang lahat ng mahistrado ng Korte Suprema.
Dapat na lamang umanong tanggapin ng mga kritiko at kalaban sa pulitika ni Gov. Tallado ang katotohanan lalu pa’t di tulad ng TRO na ibinibigay ng regional trial courts, walang hangganan ang bisa ng TRO na nagmumula sa SC. Natanggap na ng Comelec Central Office ang kopya ng TRO.
Dahil dito, 100-porsyentong tiniyak ni Atty. Garcia sa mga CamNorteño na kapag ipinanalo nila ngayong halalan si Tallado ay ipoproklama ito ng Comelec na kauna-unahang 4-termer governor ng Camarines Norte.
- Latest