Cafgu na hinostage, pinalaya na
MANILA, Philippines — Matapos ang 16 araw na pagkakabihag, pinalaya na ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) ang nalalabi nilang bihag na Cafgu Active Auxiliary (CAA) sa isang lugar sa Bongabong, Oriental Mindoro kamakalawa.
Ayon kay Lt Col. Ramon Zagala, spokesman ng Philippine Army, ang 55- anyos na bihag na si Reymond Malupa ay pinalaya ng mga rebelde matapos ang masusing koordinasyon sa pulisya at 2nd Infantry Division ng Philippine Army.
Ang bihag ay itinurn-over kay Bongabong Mayor Elgene Malaluan bago sinalubong ng naghihintay nitong pamilya.
Si Malupa ay kabilang sa mga hinostage ng NPA matapos na sumalakay ang mga rebelde kabilang ang isang amasona noong Abril 5 sa isang komunidad sa Bansud, Oriental Mindoro at kabilang sa mga binihag ay isang brgy. chairman at dalawang sibilyan. Tatlo sa mga bihag ay pinalaya kinabukasan at naiwan si Malupa sa kampo ng NPA rebels.
- Latest