Police colonel tiklo sa extortion
MANILA, Philippines — Bagsak kalaboso ang isang police colonel matapos ireklamo ng pangongotong sa isinagawang entrapment operation ng kanyang mga kabaro sa lungsod ng Baguio nitong Lunes ng hapon.
Sa report ng PNP-Counter Intelligence Task Force (PNP-CITF) Chief Police Lt. Colonel Romeo Caramat Jr. kay PNP Chief P/Director General Oscar Albayalde, kinilala ang nasakoteng opisyal na si P/Lt. Col. Allan Docyogen, nakatalaga sa Baguio City Police Office bilang hepe ng Intelligence Unit.
Bandang alas-2:27 ng hapon nang masakote ng PNP-CITF si Docyogen sa aktong tumatanggap ng P50,000 mula sa nagrereklamong sibilyan sa harapan ng Daddy’s Restaurant, 101 MS Florendo Building Abanao, Brgy. Azco ng lungsod. Nag-demand umano ng P200,000 ang opisyal mula sa complainant na inaresto ng mga tauhan ng Criminal Investigation Unit (CIU) Baguio City Police Office matapos maisyuhan ng warrant of arrest ng Lucena City RTC sa kasong robbery kung saan ang nasabing halaga ay upang hindi na ito muling arestuhin sa iba pang krimen ng mga tauhan ng nasabing opisyal.
Lumilitaw na unang nagbigay ng P47,000 ang complainant sa nasabing opisyal noong Abril 12, 2019 at ang balanse ay P50,000 makaraang bumaba ang demand.
- Latest