3 bebot tiklo sa P.6-M shabu
LEGAZPI CITY, Albay, Philippines — Kalaboso ang tatlong mga notoryus na babaeng tulak ng ipinagbabawal na droga matapos masamsaman ng nasa P.6-milyong halaga ng shabu sa inilatag na buy-bust operation ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-5 sa Brgy. Pigcale sa lungsod na ito kahapon ng hapon.
Nakakulong na at nakatakdang sampahan ng kaso ngayong umaga ang mga suspek na kinilalang sina Irene Dealagdon Villanueva, Maricel Nalles Rangadajo na parehong sumuko noon sa Oplan Tokhang at number 8 sa drug watchlist ng lungsod at si Jernalyn Dealagdon Villanueva, pawang residente ng nasabing barangay.
Sa ulat, matapos ang ilang araw na pagmamanman sa aktibidad ng mga suspek, dakong alas-3:15 ng hapon sa tulong ng mga tauhan ng Legazpi City Police ay inilatag ng PDEA sa pangunguna ni Agent Enrique Lucero ang buy-bust operation laban sa kanila. Hindi na nakatakbo ang mga suspek nang arestuhin ng mga operatiba makaraang iabot sa poseur buyer ang biniling droga.
Nakuha sa mga suspek ang dalawang malalaking plastic sachet ng shabu na may timbang na 100 gramo at may market value na 600-libong piso, buy-bust money at mga drug paraphernalia.
- Latest