2 ‘pusher’ dedo sa buy-bust, 11 huli
MANILA, Philippines — Patay ang dalawang sinasabing ‘pusher’ ng droga sa naganap na shootout habang huli ang 11 sa sunud-sunod na buy-bust operations na isinagawa ng mga otoridad sa iba’t-ibang lugar sa lalawigan ng Rizal, kamakalawa.
Batay sa ulat ng Rizal Police Provincial Office (RPPO), dakong alas-11:50 ng gabi nang mapatay ng mga tauhan ng Antipolo City Police sa isang engkwentro ang mga suspek na sina alyas ‘Julius’, na nagpakilala pang pulis, at kanyang kasamahan na si Rolando Tajan.
Nauna rito, nagkasa ng buy-bust operation ang mga pulis ng Intel City Drug Enforcement Unit (CDEU) at Warrant Operatives sa Block 100, Lot 5, Robinson Homes, Barangay San Roque, Antipolo City, matapos na makatanggap ng tip hinggil sa ilegal na aktibidad ni Julius, na iniulat na tulak umano ng ilegal na droga.
Sa kasagsagan ng tran-saksiyon, nakahalata ang mga suspek na pulis ang kli-yente kaya’t bumunot ng baril at nanlaban ngunit napatay.
Samantala, binitbit na rin ng mga otoridad sa presinto sina Camille Laurel, 22; Paulina Marquez, 18 at isang 15-anyos na dalagita, matapos na maabutan sa lugar.
Nakumpiska ng mga otoridad mula sa mga suspek ang isang pakete ng hinihinalang shabu, shabu paraphernalia, at dalawang kalibre .38 revolvers.
Samantala, dakong 3:50 ng hapon nang maaresto naman ng Rodriguez Municipal Police sa buy-bust operation sa Libis, Brgy. San Jose, Rodriguez, si Segundo Sabinario Jr., at nakumpiskahan ng anim na pakete ng hinihinalang shabu, P500 buy-bust money, at P300 cash.
Dakong 5:00 ng hapon naman nang maaresto sa Brgy. Cupang, Antipolo City sina Dante Gubac, John Cortez, Roger Boiser Jr., Luis Madrid, at Mariano Bacalzo, Abigail Buenaventura, at Ronnie Devina.
- Latest