Parak nangingikil ng P20, tiklo
MANILA, Philippines — Bagsak kalasobo ang isang pulis na ipinagpalit ang dangal sa P20 matapos siyang maaresto sa umano’y pangongotong sa mga driver sa isinagawang entrapment operation sa Brgy. San Vicente, Puluan Port, Dapitan City, Zamboanga del Norte kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni PNP Counter Intelligence Task Force (PNP-CITF) Commander P/Sr. Supt. Romeo Caramat Jr., ang nasakoteng suspect na si PO3 Juwie Dalogdog, nakatalaga bilang traffic enforcer ng Highway Patrol Group (HPG)-Dapitan City Police.
Bandang alas-3:30 ng hapon, ayon kay Caramat nang masakote ng pinagsanib na elemento ng PNP-CITF si Dalogdog sa naturang lugar.
Inaresto si Dalogdog, matapos siyang ireklamo ng mga driver ng truck at wing van na bumibiyahe sa ruta ng Dapitan Port na umano’y kinokotongan nito ng tig-P20.00 bawat isa.
Agad namang nagsagawa ng surveillance operation ang mga operatiba at nang makumpirmang positibo ang ulat ay ikinasa ang entrapment operation laban sa nasabing parak.
Si Dalogdog ay inaresto ng mga operatiba sa aktong tinatanggap ang P20 mula sa isang driver na kinokotongan nito habang dumaraan sa lugar patungong Dapitan Port.
Nabatid pa na kapag may kargamento ang mga dumaraang truck at wing van ay P200.00 ang sinisingil ng nasabing parak.
Hindi na nakapalag si Dalogdog makaraang arestuhin ng mga operatiba at nasamsam sa kanya ang P470.00 na pinaniniwalaang bahagi ng nakotong nito sa mga driver at isang cal. 45 pistol na may siyam na bala.
- Latest