3 bangkay iniluwa ng dagat
MANILA, Philippines — Tatlong bangkay ng hinihinalang mga mangingisdang nawawala ang iniluwa ng dagat at mapadpad sa baybayin ng Brgy. Nonoc, Claveria, Masbate nitong Sabado ng umaga.
Sa inisyal na ulat ng Police Regional Office (PRO) V, dakong alas-8:45 ng umaga nang matagpuan ang tatlong hindi pa nakikilalang bangkay ng mga lalaki sa nasabing lugar.
Nauna rito, inireport noong Disyembre 26 sa pulisya ni Brgy. Kagawad Ismael Esparrago na nawawala ang tatlong mangingisda makaraang umalis sa Balatan, Camarines Sur lulan ng maliit na bangka patungong Alabang Baybay, San Pascual, Masbate.
Sa kabila ng masungit na panahon, nagpumilit ang tatlong mangingisda na pumalaot para mamalakaya. Gayunman, nabigo na sila umanong makarating sa kanilang destinasyon.
Nakikipag-ugnayan na ang pulisya sa lokal na pamahalaan ng Balatan upang mabatid kung ang tatlong natagpuang bangkay ay ang mga pinaghahanap na mangingisda.
- Latest