Drug den sa hukay nadiskubre!
7 suspect arestado
CAVITE , Philippines — Dahil sa pinatinding drug operations ng pulisya, nag-iba na ng estilo ang mga drug pushers at users matapos na madiskubre na ginagawa na nilang drug den at mini shabu talipapa ang ilalim ng lupa nang maaktuhan ang pito katao habang nagsasagawa ng shabu session sa Brgy. Paliparan 3, Dasmariñas City ng lalawigan kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni Police Supt. Nerwin Ricohermoso, hepe ng pulisya rito, ang mga suspek na sina Roel Guevarra, 39-anyos ng Paliparan II, Dasmariñas City; Gerlad Garlando, 33, ng Paliparan I, Dasmariñas City; Anthony Caballero, 38, ng Ramon Cruz, GMA, Cavite; Vinzon Pagayonan, 33, ng San Pedro, Laguna; Camille Matunhay, 21, ng Brgy. Maderan, GMA, Cavite; Danvic Bautista, 35, ng Brgy. Maderan, GMA, Cavite; at Jessie Maliksi, 32 ng Brgy Paliparan II, Dasmariñas City.
Ayon kay Ricohermoso, isang tip ang natanggap nila mula sa ilang concerned citizen hinggil sa may lagi umanong nagaganap na pot session at bentahan ng shabu sa isang lugar sa Brgy. Paliparan 3.
Dahil dito, dakong alas-5:30 ng hapon nang ikasa ng Dasmariñas Police ang buy-bust operation kasama ang ilang miyembro ng Philippine Drug Enforcement Agency sa Brgy. Paliparan 3. Nahirapan umano nilang tuntunin ang lugar dahil sa walang mga kabahayan hanggang sa kanilang mapansin na tila isang tela, na nakatakip sa may lupa sa may tabi ng isang puno. Dahil dito, dahan-dahan nila itong iniangat at dito tumambad sa kanila ang tila isang maliit na pintuan ng isang tunnel. Mabilis nilang pinasok ito hanggang sa bumulaga sa kanila sa ilalim ng lupa ang isang drug den kung saan naaktuhan ang mga suspek na nagsasagawa ng shabu session at ang iba ay nagbabalot pa ng shabu na kanilang pangbenta.
Napag-alaman na sa ginawang hukay at maliit na tunnel din ginaganap ang bentahan ng shabu ng mga suspek sa kanilang mga kustomer.
Nakuha sa lugar ang limang plastic sachet ng shabu at mga drug paraphernalia.
- Latest