Hepe, 26 pulis huling natutulog sa duty sibak!
MANILA, Philippines — Sinibak kahapon ni Police Regional Office (PRO) 6 Director P/Chief Supt. John Bulalacao Jr., ang hepe ng pulisya at 26 nitong tauhan makaraang mahuli sa aktong natutulog habang naka-duty sa isinagawang “surprise inspection” kamakalawa sa himpilan ng pulisya sa Anilao, Iloilo.
Kinilala ni P/Chief Supt. Bulalacao ang nasibak na hepe na si Sr. Inspector Menrico Candaliza, ng Anilao Municipal Police Station (MPS).
“I ordered for the immediate relief of all personnel of Anilao MPS for the alleged misconduct including their Chief of Police, Police Senior Inspector Menrico Candaliza,” pahayag ni Bulalacao.
Itinalaga namang kahalili sa puwesto ni Candaliza si Chief Inspector Ciriaco Esquiliarga.
Ayon kay Bulalacao, si Candaliza ay sinibak alinsunod sa “command responsibility” sanhi ng paglabag sa patakaran at regulasyon ng PNP kasunod ng isinagawang surprise inspection ng National Police Commission (NAPOLCOM) Regional Office 6 kamakalawa ng umaga. Kabilang sa mga nadiskubreng paglabag ay walang duty sentinel sa post ng nasabing himpilan at nahuli sa aktong natutulog ang mga pulis na naka-duty dito.
“They are now temporarily assigned with the Personnel Holding Administrative Unit (PHAU) of Iloilo Police Provincial Office while they face investigation,” ani Bulalacao.
- Latest