13 Taiwanese, 2 Chine se at 7 pa huli!
Sa telephone fraud raid
MANILA, Philippines — Umiskor ang pinagsanib na elemento ng PNP-Anti-Cybercrime Goup (PNP-ACG) at Ilocos Norte Police matapos na masakote ang 22 katao kabilang ang 13 Taiwanese at 2 Chinese nationals na sangkot sa telephone fraud sa isinagawang pagsalakay sa Brgy. Medina, Dingras, Ilocos Norte kahapon ng umaga.
Kinilala ang mga naarestong dayuhan na sina Wu Pei Yu; Juan Wang; Lien Teng Yu; Chen Feng Tsai; Wei Han Lai; Shao Wei Zeng; Zeng Hui; Chiahui Sun; Chin Kai Lai; Jun Zer Chen; Liang Ou Chun; Shao Wei Wu; Jhih Hong Chen; Chin Jen Huang at Shu-Cheng Wu.
Arestado rin ang mga kasabwat nilang mga Pinoy helpers na sina Ronald Allan Santos, Eduardo Gabutan, Edwin Ronquillo, Michael Santos; pawang ng Valenzuela City; Christian Gach Malaqui ng Sarrat Ilocos Norte; Rocino Velarde ng Bulacan at isa pa.
Ang mga suspek ay dinakip sa bisa ng search warrant na inisyu ni Judge Maria Victoriano Soriano, Presiding Judge ng Regional Trial Court Branch 24.
Sinabi ni Chief Supt. Marni Marcos, director ng PNP-ACG na ang operasyon ay base sa kahilingan ng Minister of Public Security ng People’s Republic of China dahil sa illegal na aktibidades ng mga suspek na nag-ooperate sa Pilipinas at nambibiktima ng kanilang mamamayan sa mainland China gayundin sa United Kingdom, Australia, United States at iba pang mga bansa.
Ang mga suspect ay nagpapanggap umanong kinatawan ng Chinese Embassy at Chinese law enforcement na ginagamit ang mga larawan ng Minister of Public Security na nagtatawag sa mga potensyal na mabibiktima na pinalalabas na nasangkot ang pangalan ng mga ito sa scam na para umano maayos ay kailangang magbayad ng malaking halaga.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang sari-saring computers, telephones, 52 slot machines at iba pang mga paraphernalia na gamit sa illegal na operasyon.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 10175 o Cybercrime Prevention of 2012, Article 315 at estafa.
- Latest