6 ‘Waray-Waray’ todas sa shootout!
MANILA, Philippines — Patay ang lider at limang umano’y miyembro ng notoryosong “Waray-Waray Group” na sangkot sa gun-for-hire, carnapping, robbery at illegal drug activities makaraang umano’y manlaban sanhi ng barilan sa ikinasang buy-bust operation ng mga awtoridad sa Rodriguez, Rizal kahapon ng umaga.
Sa ulat ni Rizal Provincial Director P/Senior Supt. Lou Frias Evangelista kay Calabarzon Regional Director P/Chief Supt. Edward Carranza, nakilala lamang ang lider ng grupo na alyas “Henry” at lima nitong tauhan na hindi pa batid ang mga pangalan.
Sa imbestigasyon ng Rizal Police, dakong alas-8:15 ng umaga nang maganap ang shootout sa pagitan ng mga suspek at mga pulis sa Brgy. San Isidro, Rodriguez Rizal.
Nauna rito, nakatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ng Provicial Intelligence Bureau (PIB) at Provincial Drug Enforcement Unit (PDEU) na pinamumunuan ni P/Supt. Arturo Brual Jr., hinggil sa illegal na aktibidad ng naturang grupo. Matapos ang isang buwang surveillance, sinalakay ng mga awtoridad ang hideout ng mga suspek, na nauwi sa shootout matapos na manlaban ang mga suspek habang inaaresto na nagresulta ng kanilang kamatayan.
Sinasabing sangkot ang grupo sa nabanggit na mga illegal na aktibidad sa Rizal at mga kalapit na lugar.
Narekober ng mga pulis sa lugar ang anim na iba’t ibang uri ng armas; isang granada; at 70 pakete ng shabu na tumitimbang ng 50 gramo at nagkakahalaga ng P100,000, at sketches at floor plan ng isang gusali na posibleng kanilang target.
Nabatid na nagkukuta ang mga suspek sa Rizal dahil “accessible” ito sa mga karatig lalawigan at Kamaynilaan.
- Latest