Killer pa ni Fr. Nilo natimbog!
TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines — Matapos ang halos apat na buwan, nasakote ang isa sa walong kinasuhan sa pagpatay sa isang paring Katoliko na si Fr. Richmond Nilo sa Nueva Ecija noong Hunyo 10 matapos na mahulog sa inilatag na drug buy-bust operation sa Brgy. Sta. Maria, Maddela, Quirino noong Biyernes ng gabi.?
Kinilala ni Cagayan Valley Police Director Chief Supt. Mario Espino ang nadakip na si Bernie Limpio, 36, tubong Arayat, Pampanga.?
Ayon kay Espino, si Limpio ay isa sa walong kinasuhan at ipinaaaresto ni Cabanatuan City RTC Presiding Judge Angelo Perez sa pagpatay kay Fr. Nilo na noon ay magsasagawa sana ng banal na misa sa isang kapilya sa Brgy. Mayamot, Zaragosa, Nueva Ecija. ?
Dinakma si Limpio matapos magbenta ng isang sachet ng shabu sa isang police poseur buyer na si PO3 Ryan Juliana dakong alas-6:00 ng gabi sa buy-bust operation ng mga tauhan ng Provincial Intelligence Branch sa pakikipagkoordinasyon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa highway ng Brgy. Sta Maria. Narekober sa kanya ang dalawang transparent sachet ng shabu, drug paraphernalia at P1,000 buy-bust money.
Ayon naman kay Quirino Police Director Sr. Supt. Gregory Bognalbal, si Limpio ang isa sa mga wanted sa Nilo case habang isinasagawa nila ang surveillance sa gun running at drug trade nito sa lalawigan kung saan siya nanunuluyan sa mga kaanak matapos ang pananalanta ng bagyong Ompong sa Luzon.? Nauna nang nadakip noong Hunyo ang umano’y mastermind sa pagpatay kay Fr. Nilo na si Manuel Torres matapos mahuli ang lider ng mga hitman na si Omar Mallari na nanghudas sa kanya. ?
Ayon kay Central Luzon Police Director Chief Supt. Amador Corpus, ipinapatay ni Torres si Nilo dahil sa pakikialam sa kaso ng pamangkin nitong nasangkot sa rape at pangmomolestiya ng mga sakristan ng biktima. ?Sumunod namang sumuko ang dalawang sangkot na sina Arlan Maniacup Sr. at Michael Ocampo.?
Pinaghahanap pa rin ang mga suspek na sina Rolly Sigua, Marius Albis at Ronaldo Garcia.
- Latest